Sie sind auf Seite 1von 4

BUKAS NA LIHAM SA MGA NAGTUTURO NG FILIPINO SA KOLEHIYO/UNIBERSIDAD AT MGA MAMAMAYANG NAGTATAGUYOD SA WIKANG PAMBANSA Mga kaguro at mga mamamayang

nagmamalasakit sa wikang pambansa, Gaya ng alam na nating lahat, sa bagong General Education Curriculum (GEC) na inilabas ng CHED ay wala nang asignaturang Filipino (disiplina) kahit pa nga pinapayagang ituro ang lahat ng asignatura sa Filipino. Samantala, sa nasabing GEC ay may Purposive Communication naman na tiyak na tiyak na hahawakan ng mga departamento ng Ingles sa buong Pilipinas. Samakatwid, malinaw na aktwal ay burado at dehado ang Filipino bilang disiplina sa bagong GEC habang ang Ingles ay may defacto pa ring hegemonya roon. Sa ganitong diwa, maraming mga guro sa Filipino sa antas tersyarya sa buong bansa ang nangangamba di lamang sa posibilidad na mawalan ng trabaho, kundi higit dahil sa katiyakan na ang pagbubura sa Filipino bilang disiplina sa antas tersyarya ay isang hakbang paurong, isang dagok pa nga marahil sa pagsisikhay na gawing intelektwalisado ang Filipino sa mga nakalipas na dekada. Panahon na marahil na direkta tayong maglobby sa CHED upang igiit ang pagiral ng Filipino bilang disiplina sa antas tersyarya. Nasa ibaba ang isang liham sa CHED na hinihiling naming inyo ring suportahan/lagdaan at ipalaganap bilang bahagi ng ating kolektibong pagsisikhay na maigiit pa rin ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino sa bagong GEC kahit na nailabas na nila ang bagong GEC at kahit na tila maliit na ang tsansang makumbinsi pa silang magdagdag ng Filipino. Sinadya ko pong generic ang laman ng liham dahil kung detalyado ay mas magiging mahirap ang consensus sa nilalaman. Maaaring magkakaiba ang pananaw natin sa K to 12 pero marahil, sa isyu ng paggigiit na manatili ang isa man lamang na asignaturang Filipino sa kolehiyo/unibersidad ay magkakasundo tayo. Sa kasalukuyan, may mga kasamang guro na tayo na pumirma mula sa De La Salle University-Manila, University of Sto. Tomas, University of the Philippines, at Philippine Normal University. Ang liham po na ito ay maaari ring papirmahan sa iba pang nagtataguyod ng Filipino, kahit hindi guro. Kumbaga, ito'y liham na maaaring pirmahan ng lahat ng mga mamamayan ng Pilipinas na naniniwalang kailangang may asignatura pa ring Filipino sa kolehiyo/unibersidad.

Marahil ay hindi papakinggan ang kahilingang ito ngunit ang pagsisikap na ito ay bahagi ng ipinahayag noon ni Pilosopong Tasio na hindi lahat ay natulog sa mahabang gabi ng ating mga ninuno. Ilang dekada mula ngayon ay magtatanong ang mga mamamayan ng Pilipinas, ano ang ginawa ng mga guro sa Filipino noon para pigilan ang paglusaw sa dekadekadang tagumpay ng wikang pambansa? Para hindi nila iyon itanong, marahil ay kailangan na tayong gumawa ng hakbang ng direktang lobbying sa kinauukulang ahensya, ang CHED. Siyempre, lagpas pa rito, bukas ang posibilidad na maghapag din tayo ng petisyon sa Korte Suprema, pero mainam nang dumulog muna sa CHED at baka sakaling makinig sila.

Para sa wikang pambansa, David Michael M. San Juan Departamento ng Filipino, De La Salle University-Manila

P.S. Inilagda ko po rito ang aking pangalan dahil itoy isang liham, pero gaya ng alam ng marami sa atin, ang pagsisikhay pong ito ay bunga ng pakikipagtalakayan sa iba pa nating kapwa guro. Mangyaring iemail po ninyo ako sa dmmsanjuan@gmail.com o itext/tawagan ang 0926-677-4932 para sa detalye hinggil sa kung paano tayo magkakatulong-tulong sa pagpapapirma ng liham na ito. Nasa pages 3-4 ng dokumentong ito ang liham. Iminumungkahi ko pong iprint na ninyo ito at papirmahan sa mga kasamang guro. Sinadya ko pong ang sulat ay may espasyo lamang para iilang pirma para kapag puno na ay panibagong sulat ulit. Mas may impact po kung mas maraming liham ang matatanggap ng CHED. Maaari nyo pong direktang ipadala sa CHED ang pirmadong liham pero kung nasa Metro Manila po kayo ay pwede ko naman pong puntahan sa inyong mga paaralan.

03 Marso 2014

Dr. Patricia Licuanan Tagapangulo, Commission on Higher Education (CHED)

Mahal na Dr. Licuanan,

Kami po ay mga gurong nagturo/nagtuturo sa iba't ibang antas at mga mamamayang nagmamalasakit sa patuloy na pag-unlad at pagsulong ng ating wikang pambansa, ang wikang Filipino. Lumiham po kami upang magpahayag ng kahilingan hinggil sa Commission on Higher Education Memorandum (CMO) No. 20, Series of 2013 na may petsang Hunyo 28. Malinaw po sa CMO No. 20, Series of 2013 na wala nang asignaturang Filipino sa bagong General Education Curriculum (GEC) sa kolehiyo. Kaugnay po nito ay hinihiling namin sa butihing komisyon na magdagdag ng asignaturang Filipino sa bagong GEC. Ang kahilingan pong ito ay nakaangkla sa probisyong konstitusyonal sa Artikulo XIV, Seksyon 6 na nagpapahayag na "...dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon." Pinupuri po namin ang pagsusumikap ng butihing komisyon na itaguyod ang paggamit ng wikang Filipino bilang wikang panturo, at naniniwala po kami na magiging mas epektibo ang pagsasakatuparan sa adbokasing ito na mandato rin ng Konstitusyon, kung may asignaturang Filipino sa kolehiyo na magtitiyak sa patuloy na pag-iral ng mga departamento ng Filipino sa bawat kolehiyo at unibersidad sa buong bansa - ang mga entidad na maaasahan at may kakayahang pamunuan ang pangkalahatang pagsisikhay upang itaguyod ang Filipino bilang disiplina at bilang wikang panturo sa iba't ibang antas ng edukasyon. Sa Estados Unidos at Scandinavia, at sa marami pong mauunlad na bansa ay may asignatura ring lumilinang sa kanilang wikang pambansa hanggang sa antas tersyarya para sa mga estudyante mula sa kahit anong kurso. Iminumungkahi naming tawaging "Filipino Bilang Wikang Intelektwal" ang asignaturang ito na lalong magpapaunlad at magpapataas sa antas ng kasanayan sa paggamit ng Filipino ng mga mag-aaral sa antas tersyarya, lagpas pa sa natutuhan nila

sa antas sekundarya. Sa konteksto ng napipintong ASEAN Integration, lalong lumalaki ang pangangailangan na patibayin natin ang ating wikang pambansa upang mapanatili nating buhay ang sariling kakanyahan sa gitna ng posibleng pagkalusaw nito bunsod ng kara-karakang integrasyon sa mga kalapit-bansa. Handa po kaming ipaliwanag nang detalyado sa butihing komisyon ang aming panukala. Handa rin po kami na isabalikat ang tungkuling lumikha ng borador ng konseptong papel at silabus para sa asignaturang ito, kung mamarapatin ng butihing komisyon. Lubos na gumagalang, ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ______________________________________________________________________ ____________________________________________________________________

Das könnte Ihnen auch gefallen