Sie sind auf Seite 1von 5

1

KOM1 THW 1-2:30 05 Oktubre 2010


Gizella Marie E. Almeda
Book Review
Ang Mag-anak na Cruz:
Katha na Pumapaksa sa Pagpapahalagang Pilipino
ni Liwayway A. Arceo

Ang Mag-anak na Cruz ay sumasalamin sa tunay na buhay ng isang mag-anak na


Pilipino. Ito ay patungkol sa isang pamilyang namumuhay sa lunsod at kabilang sa gitnang antas
ng lipunan sa makabagong panahon. Ang pamilya ay binubuo nila:
Si Remedios “Remy” Cruz, ang ina, ay isang modista na nagtayo ng kanyang sariling
patahian sa kanilang unang tirahan noon. Una siyang ipinakilala bilang isang maybahay na
nakatuon lamang ang oras sa mga gawaing bahay, ngunit siya pala ay dating guro sa pananahi.
Dito ay makikita na nagawa niyang isakripisyo ang trabaho para sa asawa at pag-aalaga sa anak
na sanggol.
Si Faustino “Tinoy” Cruz ang asawa ni Remy na hindi nakatapos ng pag-aaral dahil sa
pag-aasawa. Isa siyang ordinaryong empleyado noon, ngunit dala ng hindi pagkakuntento sa
mababang posisiyon sa trabaho at pagpupumilit ni Remy ay muli siyang nag-aral at
nakapagtapos bilang isang CPA o Certified Public Accountant. Isa siyang mabuting ama, asawa,
at kaibigan ngunit minsan ay sinusumpong ng init ng ulo. Handa siyang tumulong at hindi
makahindi sa mga malapit sa kanya, kahit kung minsa’y sa huli ay siya pa ang nadedehado.
Si Baby ang panganay na anak ng mag-asawang Remy at Tinoy. Sa simula ng aklat ay isa
pa lamang siyang sanggol, ngunit nagtatapos ang kwento na mayroon na siyang sariling pamilya.
Isa siyang masunuring anak na babae, ngunit mayroon din siyang sariling pag-iisip at palaging
sinusunod ang anumang matipuhan ng kanyang damdamin. Bilang isang bata, si Baby ay
kuntento sa kanilang paraan ng pamumuhay. Hindi siya ang tipo ng bata na mapaghangad. Nasa
aklat din ang pagdadalaga ni Baby, maging ang una niyang party at unang manliligaw. Ngunit sa
huli ay ibang binata ang nakatuluyan ni Baby. Ipinapakita nito na hindi nakukuha ang isang
matatag na pagsasama sa isang tignin lamang. Siya ay nagtapos sa kolehiyo, at lakas-loob na
nagtungo sa Estados Unidos. Doon ay nag-asawa siya, lingid sa kaalaman ng kanyang mga
magulang. Bumalik din siya sa Pilipinas at dito na itinaguyod ang sarili niyang pamilya.
2

Si June naman ang bunso. Malapit sila ng kanyang ate. Si June ang mas maambisyon sa
dalawa, ngunit sa aking palagay ay ang mas mahina ang loob. Pinagsumikapan niyang
makatapos ng kolehiyo at natupad ang pangarap na maging isang nars. Sa unang ospital na
kanyang pinasukan niya nakilala ang isang doktor na kanyang unang pag-ibig, at labis siyang
nasaktan nang magkasal ito sa ibang babae. Akala niya’y hindi na siya muling iibig pa, ngunit
nakilala niya si Fred, isa ring doktor, na mula sa mayamang pamilya, na kanyang
mapapangasawa.
Parehong babae, si June at si Baby. Nais marahil nitong patunayan na hindi kailangang
magkaroon ng anak na lalaki ang pag-asawahan upang maging maligaya ang isang pamilya.
Hindi lamang sa apat na tauhan sumasaklaw ang kabuuan ng aklat, maraming tauhan ang
pinaiikutan ng istorya. Bawat isa sa kanila ay kumakatawan sa iba’t ibang uri ng Pilipino. Ilan sa
mga ito ay sina: Mrs. Amelia Esteban (guro ni Tinoy na inakala ni Remy na kabit ni Tinoy),
Nenita (kumare ni Remy na makapal ang mukha sa panghihingi ng regalo para sa anak ), Pepe
(mandarambong na kaibigan ni Tinoy na umutang ng dalawang libo na ipinataw kay Tinoy ang
pagbabayad), Mimosa (dating ipinagtatahi ng damit ni Remy na naging sukdulan na ang
kaartehan sa pananamit at make-up mula ng nag-ibang bansa), Iskong Bote (tambay na
nanghihingi ng yosi at pang-inom sa mga taong hindi nya naman kakilala) at marami pang iba na
talaga namang nabibilang sa mga uri ng tao na ating nakikita sa ating lipunan ngayon.
Kalamnan. Bawat kabanata ng aklat ay maituturing na maikling kwento. Iisang pamilya
lamang ang pinag-uusapan sa buong aklat ngunit hindi lamang ito tumatalakay sa kanilang
buhay. Ang bawat kabanata ay tumatalakay din sa kanilang uganayan sa mga kamag-anak,
kaibigan, kapitbahay at mga kakilala. Bawat isa nito ay maaaring magsarili at ituring na hiwalay
sa daloy ng mismong istorya. Bawat kabanata rin ay nagsisiwalat ng iba’t ibang ugaling Pilipino,
mabuti man o masama, na talaga namang kakikitaan ng katotohanan sa ating buhay.
Mga tunay na pangyayari sa pang-araw-araw ang nilalaman ng mga akda sa aklat na ito.
Ilan sa mga akda ay patungkol sa mga teenage gangs, colonial mentality, mga aktibismo at
maging mga kakaibang ritwal o kaugaliang Pilipino.
Ang Tagpuan. Umikot ang istorya, hindi lamang sa bahay ng mag-anak na Cruz, ngunit
maging sa paaralan, ahensya, bahay ng kapitbahay, kalye, palengke at iba’t iba pang lokasyon na
pinamumugaran ng mga ordinaryong Pilipino araw-araw. Maging sa airport, eroplano, at US, ay
3

pinaikutan rin ng istorya. Bawat pangyayari sa mga nasabing lugar ay mahalagang bumuo sa
nobela at bawat isa ay nagpakita ng katotohanan sa aspetong Pilipino.
Ang Suliranin. Ipinapakita sa kwento ang mga pangkaraniwan at makatotohanang suliranin
ng isang mag-anak. Isiniwalat rito ang tunay na mga pag-iisip at pangyayari sa likod ng isang
ordinaryong pamilyang Pilipino.
Ang istorya ay naglalaman lamang mga pangkaraniwan at simpleng mga suliranin. Bawat
kabanata ay naglalaman ng iba’t abang panandaliang problema na agad namang nabibigyang
solusyon.
Kagaya na lamang ng biglaang pagkakalipat ni Tinoy sa mas mababang posisyon sa trabaho
(na kabaligtaran ng inaasahan niyang promotion). Na siyang naging dahilan upang
mapagbuhatan ng kamay nito ang anak na si Baby bunga ng init ng ulo nito. Naging dahilan rin
ito ng panandaliang away mag-asawa.
Isa pang halimbawa ay gaya ng pagiging guarantor ni Tinoy sa utang sa bangko ng
kasamahang si Pepe, na nagging sanhi ng pagkakalubog nila sa utang na hindi naman sila ang
may gawa.
Ilan pa sa mga halimbawa ng simpleng problema na aking tinutukoy ay ang problema sa
pera, paghihinala sa asawa, pagdating ng isang bisita na tila ayaw tanggapin, at iba pang mga
maiikling kulo ng damdamin.
Sa kabubuan, walang eksakto o pinaka-naging problema ang mag-anak, dala na rin marahil
ng pagpapakita ng mga simpleng o ordinaryong tagpo lamang na bahagi naming talaga ng araw-
araw na buhay ng isang simpleng mag-anak.
Tunggalian. Sa aking pananaw, may dalawang uri ng tunggalian sa takbo ng bawat
kabanata nito. Una ay ang tao laban sa kanyang kapwa at pangalawa ay ang tao laban sa kanyang
sarili.
Tao laban sa tao: Maraming tao ang nakasalamuha ng pamilya Cruz, at magkakaiba ang
bawat isa sa kanila. Lahat tayo ay kinakailangang makisama, at ganoon din ang pamilya Cruz.
Hindi sa lahat ng pagkakkataon ay gusto nila nag mga tao sa kanilang paligid, gaya ng “kumare”
nilang si Nenita. Si Nenita ay isang kumare ni Remy na dumalaw sa kanilang bahay sapagkat
kaarawan ng kanyang anak na si Josie, na siyang inaanak nitong si Remy. Sa istorya ipinakita
ang kakapalan ng mukha ni Nenita, na kung saan dumalaw lang ito upang ipanghingi ng regalo
4

ang anak. Hindi handa si Remy noon kung kaya’t sa loob loob niya ay sukdulan siyang naiinis
dito at napilitan na lamang ibigay ang itinahing damit na para sana sa kanyang kostumer.
Tao laban sa sarili: Makikita sa kwento na si Remy ay isang tradisyonal na babae.
Nahihirapan siyang ipagpalit ang mga dating kagawian para sa mga makabagong paraan. Isa rin
siyang ina na nahihirapang pakawalan ang mga anak. Sapagkat nakapag-asawa na ang dalawang
anak na si June at Baby, hindi maipaliwanag ni Remy ang kalungkutang nadarama niya sa
pagdiriwang ng mga okasyon, gaya ng Bagong Taon, na hindi na niya kapiling ang mga anak.
Wari’y ayaw niyang umalis ang mga ito sa kanyang piling. Bagay na alam niyang hindi na
maaari pa, sapagkat may sari-sarili na silang pamilya.
Kasukdulan. Sa kabila ng sari-saring suliranin at mga pansariling damdaming kinikimkim
ng mag-anak. Nanaig pa rin ang ugaling Pilipino rito. Kung saan idinadaan na lamang ni Remy
sa pagpapasensya, at pagtitiis ang mga bagay-bagay. Bagay na sa huli ay lilipas rin, at kanilang
matatanggap. Gaya na lamang ng biglaang pag-aasawa ni Baby sa ibang bansa ng wala man
lamang pahintulot nila.
Nariyan rin ang istorya ng pagiging kontraktor ng Tata Ponso ni Tinoy sa pinapagawa nilang
bahay. Na kung saan sa halip na makatipid dahil kamag-anak ang gumagawa ay lalo pang
napagastos dahil sa mga sobrang materyales na ipinabibili nito. Ito ay plano ni Tata Ponso upang
siya ang makinabang sa mga sobra-sobrang materyales na kanya naming ipangkukumpuni ng
sariling bahay. Bagamat ganoon ay patuloy pa ring kontraktor si Tata Ponso, at wala na lamang
silang nagawa kundi pagtiisan ang matandang kontraktor. Hindi nila nagawang magreklamo,
dahil na rin sa ugaling paggalang dito bilang nakatatandang kamag-anak nila.
Kabuuang Pagsususri. Sa kabuuan, pinaksa ng aklat ang mga karanasan at pagbabago na
nagaganap sa isang tipikal na pamilya sa Pilipinas. Ang mga sitwasyon sa kwento ay maaaring
mangyari sa kahit sinuman sa atin. Ang akda ay may simpleng pamagat dahil simple rin lamang
ang kwento. Bagamat umiikot ang bawat pangyayari at istorya sa iisang pamilya ay tila hindi pa
rin ito maituturing na isang buong nobela. Dahil ito ay pawang mga maiikling kwento lamang
na pumapatungkol sa araw-araw na pangyayari sa buhay ng mag-anak na Cruz.
Sinusundan ng mga kwentong ito ang mag-asawang Remy at Tinoy, mula sa unang mga taon
ng kanilang pagsasama, hanggang sa lumaki’t nag-asawa na ang kanilang mga anak. Kaya
naman ang aklat na ito ay tila inaalay sa bawat pamilyang Pilipino. Dito makikita ang
katotohanan sa pag-iisip at pag-uugaling kumakatawan sa bawat isa sa atin.
5

Isang aklat ito na nagpapakita ng kung ano nga ba ang tunay na buhay sa ating lipunan.
Dito’y matapang na ibinukas ng may-akda ang kabutihan at kasamaan ng bawat isa. Pati ang
mga pagpapahalagang nananaig sa damdamin ng tao. Maging ang mga lihim na nadarama at
iniisip ng bawat isa ay matutuligsa rin sa aklat. Hindi maitatagong ang pagiging totoo ng aklat na
ito ang siyang kagandahan nito kumpara sa ibang libro.
Kung susuriin naman ang kwento, madali namang masundan ang mga kwento ng aklat.
Subalit, may mga bagay na maaaring hindi maunawaan agad sapagkat kailangan ilagay ng
mambabasa ang sarili sa konteksto o pangyayari na naroon sa akda. Ang ilan sa mga salitang
ginamit rin ay tila may kalaliman, ito ay sa kabila pa ng pagiging moderno ng panahong
kinabibilangan ng akda.
Ang May-akda. Ang may-akda ng aklat ay si Liwayway A. Arceo. Isa siyang magaling na
manunulat, editor, at translator. Nanalo siya ng gatimpalang Carlos Palanca noong 1962 para sa
kanyang maikisng kwento. Siya ay pumanaw noong Disyembre ng 1999.
Isinulat niya ang aklat bilang tugon sa mga pangayayari sa lipunang Pilipino, lalo na sa mga
pamilya. Ipinakita niya nag kahalagahan ng pamilya at ang tamang kumbinasyon ng mga lumang
paniniwala at makabagong paraan.
Unang nalathala ang mga akda sa lingguhang Liwayway noong ika-26 ng Abril 1954 at
tumagal hanggang ika-12 ng Setyembre 1960, at may kabuuang 333 kabanata, na bawat labas ay
isang buo at tapos na katha.

Das könnte Ihnen auch gefallen