Sie sind auf Seite 1von 1

July 2013

Mahal, patawarin mo ako sa aking naging pag-iwas. Ito lang ang tanging
paraan upang mapigilan ko ang pagsisimula ng ating katapusan, dahil alam
kong sa ating muling pagkikita ay ang paghiling mo ng kalayaan.
Ngunit hindi madaling pigilin ang itinakda; dumating ang gabi na matagal
kong tinakbuhan. Umupo ako sa iyong tabihan, tiningnan kita ng diretso sa
mata, kasabay nang pagbitaw ko sa isang kasinungalingan; patawad pero di
na kita mahal.
Sa iyong naging pag-ngiti ay ang pagkadurog ng puso ko, dahil Mahal, alam
kong di na ako ang iyong itinatangi. Matapos kong sambitin ang mga salitang
magpapalaya sayo, ay natapos na rin ang natitirang dahilan para mahalin
mo ako. Ito na nga ang muling pagsisimula ng bagong ikaw at ako.
Kasabay ng paglisan mo ang pagpatak ng mga luha ko. Unti-unti ko nang
ipinaubaya ang sarili ko sa reyalididad na wala ng tayo.
Mahal, kung ang paglayo sa akin ang makakapagbigay sayo ng kasiyahan,
handa akong masaktan. Kung ang aking unti-unting pagkamatay ang
magbibigay sayo ng buhay, handa akong magpalaya. Sa paglipas ng mga
araw ay ang paglipas din ng ating nakaraan. Ngunit mahal, pakatandaan mo
na ang lahat ng noon ay totoo, at ang kasinungalingan ng ngayon ay para
sayo.

Das könnte Ihnen auch gefallen