Sie sind auf Seite 1von 17

ALAMAT

Alamat ng Pinya
Noong unang panahon may nakatirang mag-ina sa isang malayong pook. Ang
ina ay si Aling Rosa at ang anak ay si Pinang. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang
bugtong na anak. Kaya lumaki si Pinang sa layaw. Gusto ng ina na matuto si Pinang ng
mga gawaing bahay, ngunit laging ikinakatwiran ni Pinang na alam na niyang gawin ang
mga itinuturo ng ina. Kaya’t pinabayaan na lang niya ang kanyang anak.
Isang araw nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon at makagawa ng
gawaing bahay. Inutusan niya si Pinang na magluto ng lugaw. Isinalang ni Pinang ang
lugaw ngunit napabayaan dahil sa kalalaro. Ang lugaw ay dumikit sa palayok at
nasunog. Nagpasensiya na lang si Aling Rosa, napagsilbihan naman siya kahit paano ng
anak.
Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa kaya’t napilitan si Pinang na gumagwa sa bahay.
Isang araw, sa kanyang pagluluto hindi niya makita ang posporo. Tinanong ang kanyang
ina kung nasaan ito. Isang beses naman ay ang sandok ang hinahanap. Ganoon ng
ganoon ang nangyayari. Walang bagay na di makita at agad tinatanong ang kanyang
ina. Nayamot si Aling Rosa sa katatanong ng anak kaya’t nawika nito:
“Naku! Pinang, sana’y magkaroon ka ng maraming mata upang makita mo ang
lahat ng bagay at hindi ka na tanong nang tanong sa akin.”
Dahil alam niyang galit na ang kanyang ina ay di na umimik si Pinang. Umalis siya
upang hanapin ang sandok na hinahanap. Kinagabihan, wala si Pinang sa bahay.
Nabahala si Aling Rosa. Tinatawag niya ang anak ngunit walang sumasagot. Napilitan
siyang bumangon at naghanda ng pagkain.
Pagkaraan ng ilang araw ay magaling-galing na si Aling Rosa. Hinanap niya si
Pinang. Tinanong niya ang mga kapitbahay kung nakita nila ang kanyang anak. Ngunit
naglahong parang bula si Pinang. Hindi na nakita ni Aling Rosa si Pinang.
Isang araw, may nakitang halaman si Aling Rosa sa kanyang bakuran. Hindi niya
alam kung anong uri ang halaman iyon. Inalagaan niyang mabuti hanggang sa ito’y
magbunga. Laking pagkamangha ni Aling Rosa ng makita ang anyo ng bunga nito. Ito’y
hugis-ulo ng tao at napapalibutan ng mata.
Biglang naalaala ni Aling Rosa ang huli niyang sinabi kay Pinang, na sana’y
magkaroon ito ng maraming mata para makita ang kanyang hinahanap. Tahimik na
nanangis si Aling Rosa at laking pagsisisi dahil tumalab ang kanyang sinabi sa anak.
Inalagaan niyang mabuti ang halaman at tinawag itong Pinang. Sa palipat-lipat sa bibig
ng mga tao ang Pinang ay naging Pinya.
ALAMAT
Alamat ng Pilipinas
Noong unang panahon ay wala pang tinatawag na bansang Pilipinas. Mayroon
lamang maliliit na mga pulo. Noong hindi pa rin ito bahagi ng mundo ay may nakatira
ditong isang higante. Ang kweba nya ay nasa kalagitnaan ng Dagat Pasipiko. Kasama
niyang naninirahan ang kanyang tatlong anak na babae na sina Minda, Lus at Bisaya.
Isang araw kinakailangang umalis ng amang higante upang mangaso sa kabilang
pulo. Kailangang maiwan ang tatlong magkakapatid kaya pinag sabihan niya ang tatlo.
“Huwag kayong lumabas ng ating kweba,” ang bilin ng ama. “Dyan lamang kayo
sa loob dahil may mga panganib sa labas. Hintayin ninyo ako sa loob ng kweba.”
Nang makaalis na ang amang higante, naglinis ng kweba ang magkakapatid.
Inayos nila itong mabuti para masiyahan ang kanilang ama. Subalit hindi nila katulong
sa paggawa si Minda. Hindi ito masunurin sa ama. Lumabas pala si Minda at namasyal
sa may dagat. Hindi man lamang nagsabi sa mga kapatid.
Tuwang-tuwa si Minda na naglalaro ng mga along nanggagaling sa dagat.
Namasyal sya at hindi nya napansin na malayo na pala sya sa tabi ng dagat. Habang sya
ay naglalakad, isang napakalaking alon na masasabing dambuhala ang lumamon kay
Minda. Nagsisigaw sya habang tinatangay ng malaking alon sa gitna dagat.
“Tulungan ninyo ako!” sigaw ni Minda. Narinig nina Lus at Bisaya ang sigaw ni
Minda. Abot ang sigaw sa loob ng kweba kaya tumigil sa paggawa ang dalawa.
“Si Minda humihingi ng tulong!” sabi ni Lus na nanlalaki ang mga mata sa
pagkagulat.
“Oo nga! Halika na!” yaya ni Bisaya. “Bakit kaya?”
Mabilis silang tumakbo sa may dagat. Tingin dito, tingin doon. Nakita nila
sisinghap-singhap sa tubig ang kapatid.
“Hayon sa malayo!” sigaw sabay turo ni Lus.
“Hindi marunong lumangoy si Minda ah!” sabi ni Bisaya at tumakbo na naman
ang dalawa. Sabay iyak ni Lus.
Mabilis nilang nilusong si Minda, malalim pala doon. Inabot nila ang kamay nila
sa kapatid. Pati sila ay nadala ng dambuhalang alon. Kawag, sipa, taas ng kamay, iyak
sigaw at walang tigil na kawag. Sa kasamaang palad ang tatlong dalagang higante ay
hindi na nakaahon.
Nang dumating ang amang higante nagtataka siya bakit walang sumalubong sa
kanya. Dati-rati ay nakasigaw na sa tuwa ang tatlo nyang anak kung dumating sya. Wala
ang tatlo sa kweba, ni isa ay wala roon.
“Saan kaya nagtungo ang tatlo kong anak?” Tanong nya sa sarili. “Saan kayo Lus,
Minda, Bisaya!”
Walang sumasagot, hinanap niya sila sa paligid ngunit wala sila roon. Pinuntahan
niya ang ilang malapit na pulo, ni anino ay wala.
“Baka may pumuntang tao at dinala silang pilit,” sabi ng higante sa sarili.
Biglang umalon ulit at dumagundong, napalingon ang ama at naisip niya na baka
nalunod ang tatlo. Dumako pa sya sa malayo at hindi nagkamali ang higante. Nakita
niya ang labi ng ilang pirasong damit na nakasabit sa bato. Para tuloy niyang nakita ang
tatlong kamay na nakataas at humihingi ng saklolo. Naalala niya bigla na hindi niya
pinayagang lumabas ang mga ito. Tumalon sa dagat ang higante. Sa isip lamang pala
niya ang larawan ng tatlong kamay na nakataas, nawalan siya ng lakas.
“Mga anak! Ano pa? Wala na” himutok ng ama. Nawalan na siya ng ganang
kumain. Tumayo, umupo, tumingin sa malayo. Isa-isang hinagod ng tingin ang bawat
munting bato at kahoy sa malayo. At sa pagod at hapis napahilig sa isang bato at
tuluyang natulog. Mahabang pagkatulog ang nagawa ng kawawang higante.
Nang magising ang higante, kinusot niya ang kanyang mga mata. May nakita
siyang wala doon dati. Tumayo bigla at tiningnan mabuti.
“Ano ito? Saan galing ang tatlong pulong ito? Sila kaya ang tatlong ito?” Tanong
sa sarili, lalong lungkot ang naramdaman ng amang ulila.
“Ang tatlong pulong ito! Sina Lus, Minda at Bisaya ito!” ang sabi niyang malakas.
At buhat noon tinawag na Luson, Bisaya at Mindanaw ang tatlong pulo. Dito
nagmula ang bansang Pilipinas. Nasa gawing timog ng Asya. Bahagi ito ng Pilipinas sa
katimugang bahagi ng Asya.
ALAMAT
Alamat ng Saging
Sa isang nayon ay may mag-anak na tahimik na namumuhay. Ang lalaki’y si
Mang Bino at ang babae’y si Aling Pacita. Ang kaisa-isa nilang anak ay si Tina. Lumaking
maganda si Tina kaya’t maraming nangibig sa kanya. Ngunit mataas ang pangarap ng
mga magulang para sa kaisa-isang anak. Kaya kapag mahirap na binata ang
pumapanhik ng ligaw sa dalaga ay pinapakitaan ito ng masamang mukha ng mag-
asawa. Malimit pang pagparunggitan ang mga maralitang mangingibig na sayang
lamang ang taglay na kagandahan ng kanilang anak kung ang magiging kapalaran nito
ay isa lamang maralitang isang kahig isang tuka.
Kabilang sa mga naakit kay Tina ay si Rading. Makisig siyang binata, may
magandang asal, at may likas na kabaitan. Ngunit siya ay isa lamang maralitang
magsasaka kaya’t sa kabila ng mga katangian ng binata ay tutol na tutol sa kanya ang
mga magulang ni Tina. Sa kabila ng pamimintas sa binata ng mga magulang ng dalaga
ay tinanggap pa rin ni Tina ang iniluluhog na pag-ibig ni Rading.
Nagsumpaan silang walang magtataksil at tanging kamatayan lamang ang
maaaring humadlang sa kanilang pag-iibigan. Lihim na lihim ang kanilang pagsusuyuan
sa pangambang malaman ito ng mga magulang ng dalaga.
Ang kagandahan ni Tina ay nakaabot sa pandinig ni Don Bruno. Siya’y
naninirahan sa kabayanan at nang mabalitaan niya ang tungkol sa kagandahan ng
dalaga ay ipinasya niyang pagsadyain ito sa nayon. Lulan ng magarang kotse, ang
byudong si Don Bruno ay nagtungo sa tahanan ng dalaga.
Sa pamamagitan ng pagtatanong ay natunton niya ang tirahan nito.
Nakipagkilala siya sa mag-anak at gayon na lamang ang pag-istima ng mag-asawang
Mang Bino at Aling Pacita sa mayamang panauhin. Naging madalas ang pagdalaw ni
Don Bruno at di nagtagal ay nagtapat ng pag-ibig sa dalaga. Tinanggihan ni Tina ang
inihahandog na pag-ibig nito. Naging mapilit ang byudo kaya’t napilitan ang dalagang
tapatin ito na wala siyang pag-ibig dito at ang puso niya’y nakasanla na sa iba.
Ayaw maniwala si Don Bruno dahil liban sa kanya, wala raw naman siyang
nakikitang pumapanhik ng ligaw sa dalaga. Ito ay sapagkat napakahigpit nga ng mga
magulang ni Tina. Sinabi rin niyang hindi siya titigil ng panunuyo sa dalaga, maliban na
lang kung mapatutunayan niyang may katipan na nga ito. Sa sandaling mangyari ito,
nangako siyang hindi na niya ito gagambalain pa. At kung ipagtatapat ng dalaga kung
sino ang katipan nito ay hindi niya sasabihin ang lihim kahit kanino.
Sa kagustuhan ni Tina na tumigil na sa panliligaw ang matanda, ipinagtapat niya
na si Rading ay kasintahan na niya. Hindi nagpahalata ng sama ng loob ang byudo,
ngunit may lihim siyang binabalak upang mapasakanya ang dalaga.
Isang araw na umalis si Tina at sumama sa kaibigan sa pamimili sa kabayanan ay
kinausap ng Don ang mga magulang na dalaga. Ipinagtapat niya sa mga ito ang tungkol
kina Tina at Rading. Gayon na lamang ang galit ni Mang Bino ngunit sinikap ni Don
Bruno na mapaglubag ang kalooban ng ama ni Tina. Iminungkahi niya na kung papayag
ang mag-asawa ay ibig niyang makasal sila agad ni Tina. Palibhasa’y mayaman hindi
tinutulan ng mga magulang ng dalaga ang plano ni Don Bruno. Napagkasunduan nilang
idaraos ang kasal sa lalong madaling panahon.
Simula noon ay hinigpitang lalo ng mga magulang ang dalaga. Hindi na siya
pinalalabas ng bahay nang walang kasama. Ang palaging kasama niya sa anumang
pupuntahan ay ang kanyang ina. Ang lihim na pagkikita nina Rading at Tina ay naputol.
Hindi malaman ng binata ang gagawin upang makausap ang katipan. Malimit na aali-
aligid siya sa tahanan ng mag-anak upang masilayan man lamang ang minamahal.
Subalit lagi siyang umu-uwing bigo.
Isang tanghali ay nakita niyang mag-isang umalis ng bahay si Aling Pacita. Dala
nito ang basket na kinalalagyan ng pagkaing ihahatid sa asawang nag-aararo sa bukid.
Dati-rati’y kasama ng ina ang dalaga. Hindi niya ito iniiwang mag-isa sa bahay sa
pangambang magtungo roon ang kasintahan at magkausap ang dalawa. Nang
tanghaling iyon ay hindi napilit ng ina na sumama si Tina sa paghahatid ng pagkain sa
bukid. Dumaing ang dalaga na masakit na masakit ang kanyang ulo at nang damahin ng
ina ang noo ng anak ay mainit at tila may sinat nga ito.
Pagkaalis ni Aling Pacita ay dali-daling tinungo ni Rading ang tahanan ng mag-
anak at nagpatao-po. Nang maulinigan ng dalaga ang tinig ng kasintahan ay pinilit
niyang makabangon kahit masamang-masama ang kanyang pakiramdam. Pinatuloy ni
Tina ang binata at magkaharap silang naupo sa dalawang silyang napapagitnaan ng
isang maliliit na mesa sa may tabi ng bintana.
Sabik na nagkumustahan ang magkasintahang matagal-tagal ding di nagkita.
Palibhasa’y noon lamang muling nagkita, hindi matapus-tapos ang pagbabalitaan ng
dalawa. Libang na libang sila sa pag-uusap at hindi na nila pansin ang kapaligiran. Hindi
nila namalayan ang pagdating ng humahangos na si Mang Bino, kasunod ang
humahabol na asawa. May nakapagbalita pala kay Mang Bino sa bukid na nasa kanilang
bahay si Rading kaya’t napasugod nang uwi ang matandang lalaki.
Galit na galit ang ama ni Tina pagkakita sa dalawang nag-uusap sa tabi ng
bintana. Hawak ang matalim na gulok ay biglang sinugod ng matandang lalaki si Rading
at biglang tinaga ang kamay ng binata na nagkataong nakalawit sa bintana. Palibhasa’y
mababa ang bahay ng mag-anak kaya nakuhang abutin ni Mang Bino ang kamay ng
binata. Naputol ang kamay ni Rading at bumagsak sa lupa. Napatili si Tina at nawalan
ng malay-tao nang makita ang pangyayari.
Sapo ang duguang bisig ay tumakbong pauwi ang binata. Kaagad siyang
isinugod sa kabayanan upang dalhin sa pagamutan doon. Subalit sa daan pa lamang ay
nalagutan na ng hininga ang binata dahil sa dami ng dugong nawala sa kanyang
katawan. Ang kabayanan ay lubhang malayo sa kanilang nayon.
Nang magkamalay si Tina ay nasa loob na siya ng sariling silid. Ang namulatan
niya sa kanyang tabi ay ang kanyang ina. Itinanong niya rito si Rading at ang kanyang
ama. Napahagulgol siya ng panangis nang malaman niyang ang binata ay hindi na
umabot sa pagamutan at ang kanyang ama naman ay dinala ng mga
maykapangyarihan. Nagpumilit siyang bumangon at hindi napigil ng ina sa paglabas ng
bahay. Tinungo niya ang lugar na kinabagsakan ng kamay ni Rading at buong
pagmamahal na niyakap ang putol na kamay.
Ibinaon niya ang kamay sa kanyang halamanan. At sa umaga’t hapon sa araw-
araw na ginawa ng Diyos ay hinahaplus-haplos niya ang lupang nakatabon sa kamay ng
minamahal habang lumuluhang sinasambit-sambit ang “Rading. Rading.”
Hindi nagtagal ay may tumubong halaman sa pook na iyon at nang mamunga ay
katulad na katulad ng mga daliri ng kamay ni Rading. Kumalat ang balita sa nayong iyon
at naging paksa ng usapan ang kamay ni Rading. Tinawag ng mga tao ang bunga ng
naturang halaman na kamay ni Rading. Nang lumaon ay ipinasya nilang tawagin itong
saging.
ALAMAT
Alamat ng Ampalaya
Noong araw, sa bayan ng Sariwa naninirahan ang lahat ng uri ng gulay na may
kanya-kanyang kagandahang taglay.
Si Kalabasa na may kakaibang tamis, si Kamatis na may asim at malasutlang kutis,
si Luya na may anghang, si Labanos na sobra ang kaputian, si Talong na may lilang
balat, luntiang pisngi ni Mustasa, si Singkamas na may kakaibang lutong na taglay, si
Sibuyas na may manipis na balat, at si Patola na may gaspang na kaakit-akit.
Subalit may isang gulay na umusbong na kakaiba ang anyo, siya si Ampalaya na
may maputlang maputlang kulay, at ang kanyang lasang taglay ay di maipaliwanag.
Araw-araw, walang ginawa si Ampalaya kung hindi ikumpara ang kanyang itsura
at lasa sa kapwa niya gulay, at dahil dito ay nagbalak siya ng masama sa kapwa niyang
mga gulay.
Nang sumapit ang gabi kinuha ni Ampalaya ang lahat ng magagandang
katangian ng mga gulay at kanyang isinuot.
Tuwang-tuwa si Ampalaya dahil ang dating gulay na hindi pinapansin ngayon ay
pinagkakaguluhan. Ngunit walang lihim na hidi nabubunyag nagtipon-tipon ang mga
gulay na kanyang ninakawan.
Napagkasunduan nilang sundan ang gulay na may gandang kakaiba, at laking
gulat nila ng makita nilang hinuhubad nito isa-isa ang mga katangian na kanilang
taglay. Nanlaki ang kanilang mga mata ng tumambad sa kanila si Ampalaya.
Nagalit ang mga gulay at kanilang iniharap si Ampalaya sa diwata ng lupain.
Isinumbong nila ang ginawang pagnanakaw ni Ampalya. Dahil dito nagalit ang diwata at
lahat ng magagandang katangian na kinuha sa mga kapwa niya gulay.
Laking tuwa ni Ampalaya dahil inisip niya na iyon lamang pala ang kabayaran sa
ginawa niyang kasalanan. Ngunit makalipas ang ilang sandali ay nag-iba ang kanyang
anyo.
Ang balat niya ay kumulubot dahil ang kinis at gaspang na taglay ni upo at
kamatis ay nag-away sa loob ng kanyang katawan. Maging ang mga ibat-ibang lasa ng
gulay ay naghatid ng hindi magandang panlasa sa kanya kung kaya’t pait ang idinulot
nito. Ang kanyang kulay ay naging madilim na luntian.
Ngayon, kahit masustansiyang gulay si Ampalaya, marami ang hindi
nagkakagusto sa kaniya dahil sa pait na kanyang lasa.
ALAMAT
Alamat ng Mangga
Noong unang panahon ay may isang malupit ng hari. Kinatatakutan siya ng
kanyang mga nasasakupan. Siya ay si Haring Enrico. Sa isang banda ay gusto naman ng
mga tao ang ganoon. Nagkaroon kasi sila ng disiplina. Maraming masasamang gawain
ang maiiwasan dahil sa takot sa parusang iginawad ng hari.
Isang araw may nakatakas na mga bilanggo sa kulungan ng kaharian.
Nagpaimbistiga si Haring Enrico. Nalaman niya na nakatulog pala ang kawal na bantay
kaya madaling nakatakas ang mga bilanggo. Agad niyang ipinatawag ang kawal.
Tinanong niya ito kung bakit natutulog sa oras ng trabaho. Sinabi ng kawal na puyat ito
dahil sa pagbabantay sa anak na may sakit.
“Puyat ka pala, dapat nagpapalit ka para di tayo natakasan ng mga bilanggo!”
anang hari. Hindi nakasagot ang kawal. Alam nito na siya ang may pagkakamali.
Hinatulan ito ng hari na mabilanggo bilang parusa sa kapabayaan.
Napaiyak ang asawa at anak ng kawal dahil sa awa sa lalaki. Nakiusap sila na
pakawalan ang kawal ngunit hindi pumayag si Haring Enrico. Walang nagawa ang mag-
ina kundi ang umiyak. Nang malapit na ang kaarawan ng hari ay nagpalabas siya ng
isang patalastas sa mga nasasakupan. Ayon sa patalastas, ang sinumang
makapagdadala na wala pa ang hari o pagkaing hindi pa natitikman ay makahihiling sa
kanya at kanya namang ipagkakaloob.
Natuwa ang asawa ng bilanggo dahil sa balita. Kaso wala naman itong maisip na
maaaring ibigay sa hari. Naisip nitong yayain sa gubat ang anak para maghanap ng
kahit anong maibibigay sa hari. Inabot sila ng pagod at gutom. Pauwi na sila ng isang
diwata ang lumitaw sa kanilang harapan. May hawak na dalawang malalaking bunga ng
halaman ang diwata. Kulay berde iyon. Noon lang nakakita ang mga ito ng ganoong
bunga.
“Ito ang ibigay ninyo sa hari,” sabi ng diwata. “Itago muna ninyo ito sa inyong
bigasan at ilabas mismo sa kaarawan ng hari.”
“A-ano po ba ang bungang ito?” tanong nila.
“Mangga ang tawag diyan. Wala niyan dito sa lupa. Sa aming daigdig lamang
meron niyan at itinuring naming sagrado ang bungang iyan.”
“Maraming-maraming salamat po!” sabi ng mag-ina at nagpaalam na sa diwata.
Tuwang-tuwa nag-siuwi ang mga ito.
Sinunod ng asawa ng kawal ang bilin ng diwata. Nang sumapit ang kaarawan ng
hari ay kinuha nito ang dalawang bunga. Nanggilalas ito nang makitang naging dilaw
ang bunga at mabangong-mabango.
Maging ang hari ay nanggilalas nang makita ang dalawang hinog na bunga na
nasa amoy palamang ay mukha ng napakasarap. Agad niyang kinain ang isa at lubha
siyang nasarapan.
‘Anong pangalan ng bungang ito ?” tanong ng hari.
“Mangga po”, sabay na wika ng mag-ina.
“Mangga? Ngayon lamang ako nakakita ng bungang ganito. Saan galling ito?”
“Bigay po sa amin ng isang diwata.”
“Dahil sa kakaiba at masarap na bungang dala mo, ipagkakaloob ko ang
anumang hilingin mo.” Sabi niya sa asawa ng kawal.
“Hinihiling ko po sa mahal na hari na makalaya ang aking asawa,” sabi ng babae.
“Matutupad ang iyong kahilingan.”
Noon din ay nakalaya ang asawa ng babae. Sa labis ng katuwaan ng hari ay
binigyan pa ng kaunting halaga ang mag-asawa.
Matapos kainin ang mga bunga ay ipinatanim niya ang mga buto ng mga iyon
upang muli siyang makatikim ng pambihirang bunga.
Nang tumubo at mamunga nang marami ang mga puno ay natikman iyon ng
kanyang mga nasasakupan. Nagtanim din ng mga buto ang mga tao.
Mula noon ay nakilala na ang prutas na tinawag nilang Mangga.
ALAMAT
Alamat ng Sampaguita
Sa isang malayong bayan sa Norte ay may isang napakagandang dalaga na
Liwayway ang pangalan.
Ang kagandahan ni Liwayway ay nakarating hanggang sa malalayong bayan.
Hindi naging kataka-taka kung bakit napakarami ng kanyang naging mga manliligaw.
Mula sa hilaga ay isang grupo ng mga mangangaso ang nagawi sa lugar nina
Liwayway. Sa kasamaang palad, si Tanggol, isa sa mga ito ay inatake ng baboy-ramo.
Ang binata ay dinala sa ama ni Liwayway para mabigyan ng pangunang lunas. Iyon ang
naging daan ng paglakalapit nila.
Umibig sina Liwayway at Tanggol sa isa’t-isa sa maikling panahon ng pagkikilala.
Nang gumaling si Tanggol ito ay nagpaalam kay Liwayway at sa mga magulang
niya. Anang binata ay susunduin ang ama’t ina upang pormal na hingin ang kamay ng
dalaga.
Puno ng pangarap si Liwayway nang ihatid ng tanaw si Tanggol. Subalit dagling
naglaho ang pag-asa ni Liwayway na babalik si Tanggol tulad ng pangako. Ilang
pagsikat na ng buwan mula nang umalis ito ngunit ni balita ay wala siyang natanggap.
Isang dating manliligaw ang nakaisip siraan si Tanggol. Ikinalat nito ang balita na
hindi na babalik si Tanggol dahil may asawa na ito.
Tinalo ng lungkot, pangungulila, sama ng loob at panibugho ang puso ni
Liwayway. Nagkasakit siya. Palibhasa ay sarili lang ang makagagamot sa karamdaman
kung kaya ilang linggo lang ay naglubha ang dalaga at namatay.
Bago namatay ay wala siyang nausal kundi ang mga salitang, “Isinusumpa kita!
Sumpa kita…”
Ang mga salitang “Isinusumpa kita! Sumpa kita…” ang tanging naiwan ni
Lwayway kay Tanggol.
Ilang araw makaraang mailibing si Liwayway ay dumating si Tanggol kasama ang
mga magulang. Anito ay hindi agad nakabalik dahil nagkasakit ang ina. Hindi
matanggap ng binata na wala na ang babaing pinakamamahal.
Sa sobrang paghihinagpis, araw-araw ay halos madilig ng luha ni Tanggol ang
puntod ni Liwayway. Hindi na rin siya bumalik sa sariling bayan upang mabantayan ang
puntod ng kasintahan.
Isang araw ay may napansin si Tanggol sa ibabaw ng puntod ni Liwayway. May
tumubong halaman doon, halaman na patuloy na dinilig ng kanyang mga luha. Nang
mamulaklak ang halaman ay may samyo iyon na ubod ng bango. Tinawag iyong ‘sumpa
kita’, ang mga huling salitang binigkas ni Liwayway bago namatay. Ang ‘sumpa kita’ ay
ang pinagmulan ng salitang ‘sampaguita’.
ALAMAT
Alamat ng Lansones
Noong unang panahon sa isang bayan sa Laguna ay matatagpuan ang
isang uri ng puno na may bilugan hugis ang bunga. Sa panahon ng tagbunga,
kahit na hitik sa bilugang bunga ang nasabing puno ay walang sinuman ang
nangangahas na lapitan o kainin ito. Sa likod ng tila ba masarap na anyo ng
bunga nito ay nakakubli ang matindi at maaring nakamamatay na lason.
Nagsimulang katakutan at pag-usapan ang “puno ng lason” ng may isang
manlalakbay ang nagpahinga sa ilalim ng puno na may nakakalasong bunga.
Marahil dahil sa pagod, gutom at sa kaaya-ayang kaanyuan ng bunga ay pumitas
ang manlalakbay ng bunga ng puno upang kainin. Huli na ng makita upang
pigilan ng mga taong-bayan ang manlalakbay sa pagkain nito ng nasabing
bunga. Bumula ang bibig ng manlalakbay at nangisay ito matapos makain ang
nakalalasong bunga.
Maliban sa nasabing nakalalasong puno ay marami pang ibang
namumungang puno at halaman ang matatagpuan sa bayan. Sa isang bibihirang
pagkakataon ay tinamaan ng isang matinding tagtuyot ang bayan. Nangamatay
ang mga tanim na kanilang inaasahang magbibigay sa kanila ng makakain, lingid
sa isa… Ang puno na nagtataglay ng nakalalasong bunga. Taimtim na nanalangin
ang mga taong bayan upang matapos na ang nasabing tagtuyot dulot ng
matinding tag-init.
Isang araw ay may isang babaeng nakaputi ang dumating sa bayan.
Kakatuwa ang babaeng ito dahil ito ay pakanta pang tinungo ang lugar kung
saan matatagpuan ang punong namumunga ng bungang may lason. Sinubukang
pigilan ng ilang nakatatanda ang babae ngunit tila ba hindi sila narinig nito at
patuloy lamang sa maligayang pag-awit nito at nagsimulang pitasin ang bunga
ng puno.
Nagimbal ang mga taong nasaksihan ang pagkain ng babae sa
nakalalasong bunga ng puno sa kabila ng kanilang pagbabala dito. Inasahan na
ng mga taong-bayan na anumang oras ay babagsak ito ngunit nakailang bunga
na itong nakakain ay wala pa ring nangyayari. Sa halip ay sarap na sarap pa ito sa
pagkain. Marahil sa pagataka at gutom ay nagsimulang lumapit ang mga
kabataan sa babae.
Tinanong ng babae ang mga lumapit na bata kung bakit tila ba hindi
nagagalaw ang mga masasarap na prutas ng nasabing puno. Inilahad sa kanya ng
mga bata ang kuwento ng nakalalasong puno at umiling lamang ang babae.
Pumitas siya ng bunga at pinisil ito upang ilantad ang kaaya-ayang laman ng
bunga ng nasabing puno. Sa gutom ay nagbakasakali ang isang bata upang
tikman ito.
“Masarap at malinamnam!” ang nasabi ng bata at muli itong pumitas.
Nang makita ito ng mga taong-bayan ay nagsimula itong lumapit sa nasabing
puno upang kumuha ng bunga upang kainin. Lahat ay nabigla sa kakaibang
tamis ng dating itinuring nilang bungang may lason. Sa di maipaliwanag na
pangyayari ay bigla na lamang nawala ang babaeng unang kumain ng bunga ng
puno ng lason. Matapos mabatid na wala na ang lason sa puno ay naitawid ng
bayan ang matinding tag-init. Pinaniwalaan ng mga taong-bayan na ang
babaeng nakaputi ay isang diwatang sumagot sa kanilang panalangin.
Sa paglipas ng panahon ang dating puno at bunga na may lason ay
tinawag na nilang “lansones”.
ALAMAT
Alamat ng Rosas
Noong unang panahon sa isang malayong nayon, ay may isang dalaga na
nagngangalang Rosa na kilala dahil sa natatangi nitong ganda at dahil na rin sa kanyang
mapupulang mga pisngi, kung kaya’t pinagkakaguluhan si Rosa ng mga kalalakihan.
Isang araw nang dumating ng bahay si Rosa ay nakita niya ang isa sa kanyang
mga manililigaw na si Antonio na kausap ang kanyang mga magulang at humihing ng
pahintulot na manligaw kay Rosa kung saan ay masaya naman siyang pinayagan ng
mga magulang ni Rosa at dahil na rin sa rason na si Antonio lamang ang lalaking unang
umakyat ng ligaw sa kanila. Ang kinakailangan lang naman na gawin ni Antonio ay ang
mapatunayan ang sarili kay Rosa at pasiyahin ito.
Iyon ang naghimok kay Antonio kaya naman ay pinagsilbihan niya ang pamilya ni
Rosa sa pamamagitan ng dote. Lubos namang natuwa ang mga magulang ni Rosa,
lalong-lalo na ang dalaga na unti-unti ay nahuhulog na ang loob sa masugid na binata.
Sa araw na kung saan ay dapat sanang sagutin ni Rosa ang kanyang manliligaw
ay doon rin siya labis na nagtaka kung bakit wala pa ito. Doon din niya nalaman na
pinaglalaruan lang pala siya ni Antonio nang marinig niya ito habang kausap ang
kanyang mga kaibigan. Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Rosa sa kanyang
narining. Nadurog ang kanyang puso sa kanyang unang pag-ibig.
Hindi tumigil sa pag-iyak si Rosa habang siya ay pabalik sa kanilang bahay. Nag-
aalala naman siyang tinanong nang kanyang mga magulang pero hindi sumagot ang
dalaga.
Kinabukasan ay hindi na nakita si Rosa at pati na rin sa mga sumunod na araw.
Isang araw ay nabalitaan na may kakaibang halaman na tumubo sa dapat sanang
tagpuan nina Rosa at Antonio.
Tinawag ang halaman na rosas dahil ang pulang kulay nang bulaklak ay
nagsisilbing paalala sa mga mapupulang pisngi ni Rosa. Ang naiiba lamang ay ang tinik
na napapalibot sa halaman na pinapaniwalaan na si Rosa na nagsasabing wala sinuman
ang makakakuha sa magandang bulaklak na hindi nasasaktan.
ALAMAT
Alamat ng Bayabas
Bago pa dumating ang mga mananakop na Kastila sa Pilipinas ay may isang
sultan na ubod ng lupit at hindi kumikilala ng katarungan. Siya si Sultan Barabas. Lubha
siyang kinatatakutan ng mag nasasakupan dahil sa kanyang kalupitan.
Ang salita ni Sultan Barabas ay batas. Wala siyang iginagalang sa kanyang
pagpaparusa. Matanda at bata, lalaki at babae ay pinarurusahan niya. Mabigat ang
parusang ipinapataw niya sa mga nakagagawa ng kahit maliit na kasalanan.
Mabibigat na parusa agad ang kanyang iginagawad. Iyon ay upang magkaroon
daw ng kadalaan at hindi na umulit pa ang mga taong nagkasala.
Araw-araw ay nabibihisan siya ng magagara at mamahaling damit. Tuwina ay
nakalagay sa kanyang ulo ang gintong koronang ipinasadya pa niya sa malayong bayan.
Ang koronang iyon ay isinusuot niya saan man magpunta. Iyon ay pagpapakita ng
kanyang kapangyarihan at pagiging mataas sa lahat.
Saganang-sagana din siya sa masasarap na pagkain. Gayunman ay ubod naman
siya ng damot. Walang pulubi ang nakahihingi sa kanya ng tulong o kahit konting
pagkain. Hindi katakataka na ang kanyang malawak na hardin na may tanim ng iba’t-
ibang punong namumunga ay hindi niya hinahayaang mapasok ninuman.
Siya lamang at ang mag aliping tagapitas ng mga bungangkahoy ang
nakakapasok doon. Mas mabuti pa sa kanya ang mabulok ang mga bunga ng puno
kaysa ipakain sa iba.
Isang araw ay may isang mangingisda ang ipinadakip ng sultan sa kanyang mga
tauhan. Ang dahilan ay masyado itong ginabi sa pangingisda. Walang awa niyang
ipinakulong ang pobreng mangingisda. Iniutos pa niyang pahirapan ito upang
magtanda.
Nakarating sa asawa ng mangingisda ang nangyari. Agad nagtungo ang babae sa
kaharian ng sultan kahit malalim na ang gabi. Ang asawang ito ng mangingisda ay
mahusay gumawa ng isdang daing. Ito ang nagdadaing ng mga isdang nahuhuli ng
asawa.
Walang takot na nagtuloy sa palasyo ang magdadaing. Kinatok nito ang
natutulog na sultan. Dahil naabala sa tulog ay galit na galit na bumangon ang sultan.
Nang malaman nito kung sino ang umabala sa pagtulog at kung ano ang sadya nito ay
lalo siyang nagalit.
Sa halip na maawa sa babae ay ipinakulong niya ito. Naisip niyang makakain na
ang masarap na daing dahil pahuhulihin niya ng isda ang asawa nito at ipadadaing
naman niya sa babae.
Masaya na rin sana ang mag- asawa kahit pareho silang nakakulong. Magkasama
naman silang dalawa. Kaya lang ay nag-aalala sila para sa anak na binatilyo na naiwang
mag-isa sa bahay nila. Alam nilang walang mag-aasikaso sa mga pangangailangan nito
kung wala silang dalawa.
Ang hindi nila alam ay inaalagaan ng mga diwata sa gubat ang kanilang anak.
Ang mga ito ang nagbibigay ng pagkain sa binatilyo sa araw-araw.
Isang araw, naisipan ng binatilyo na puntahan si Sultan Barabas. Ibig niyang
hilingin dito na palayain na ang ina at ama. Sinamahan siya ng mga diwata sa pagtungo
sa palasyo.
Nang magkaharap ang dalawa ay tahasang nagsalita ang binatilyo. Sinabi nito na
dapat siyang bigyan ng sultan ng pagkain dahil ang kinakain nito ay ang isdang
pinaghirapang hulihin ng kanyang ama at idinaing ng kanyang ina.
Hindi pumayag si Sultan Barabas. Sa halip ay nagtawa lang ito. Sa galit ng
binatilyo ay bigla nitong inagaw ang suot na korona ng sultan at saka nagtatakbo.
Humabol sa lalaki ang sultan. Nakarating sila sa malawak nitong hardin. Hindi maabutan
ng sultan ang binatilyo dahil higit itong mabilis tumakbo.
Napagod ng husto ang sultan. Humihingal itong huminto sa tapat ng isang
malaking puno. Habol nito ang paghinga at dakot ang dibdib na naninikip.
Sa sumunod na saglit ay bigla na lamang itong natumba. Noon din ay agad itong
binawian ng buhay.
Sa hardin ding iyon ito ipinalibing.
Nagkaroon ng bagong sultan. Ito ay higit na mabait at makatarungan kaysa kay
Sultan Barabas. Binuksan nito sa lahat ang malawak na hardin upang makakain ng
bungangkahoy ang sinumang may nais.
Isang bagong halaman ang napansin ng mga tao na tumubo sa pinaglibingan
kay Sultan Barabas. Hinayaan ng mga tao na lumaki at mamunga ang nasabing puno.
Nang tikman nila ang bubot pang bunga ay napangiwi silang lahat.
“Ang pait!” sabi ng isa. “Simpait ng ugali ni Sultan Barabas!”
Nang magsilaki na ang mga bunga at muli nilang tikman ay nasabi ng ilan: “Ang
asim. Sing- asimng mukha ni Sultan Barabas!”
“Kung gayon ay si Barabas ang punong iyan!” sabi ng marami.
Nang mahinog ang mga bunga ay nasarapan ang lahat dahil matatamis ang mga
iyon. Mula noon ay nakagiliwan ang bunga ng puno at nang lumaon ay tinawag na
Bayabas.
ALAMAT
Alamat ng Butiki
Noong araw sa isang liblib na nayon ay may mag-ina na naninirahan sa tabi ng
kakahuyan.
Ang ina na si Aling Rosa ay isang relihiyosang babae. Palagi siyang nagdarasal, at
sinanay din niya ang kanyang anak na lalaki na magdasal at mag-orasyon bago sumapit
ang dilim.
Ang anak na si Juan ay isang mabuti at masunuring anak. Palagi niyang
sinusunod ang utos ng kanyang ina tungkol sa pagdarasal. Bago dumilim, kahit saan sya
naroon ay umuuwi siya upang samahan ang ina sa pag-oorasyon sa tapat ng kanilang
bahay.
Maagang namatay ang asawa ni Aling Rosa. Natutuwa naman siya at naging
mabait ang kanyang anak na si Juan, na nakatuwang niya sa pagtatanim at paghahanap
ng mga makakain.
Sa paglipas ng panahon, mabilis na tumanda si Aling Rosa, at si Juan naman ay
naging isang makisig na binata.
Si Aling Rosa ay nanatili na lamang sa bahay at palaging nagpapahinga,
samantalang si Juan ay siyang naghahanap ng kanilang makakain sa araw-araw. At kahit
mahina na si Aling Rosa ay hindi pa rin nila nakakalimutan ni Juan ang magdasal.
Minsan, habang si Juan ay nangunguha ng bungangkahoy sa gubat, isang babae
ang kanyang nakilala; si Helena.
Si Helena ay lubhang kaaki-akit kung kaya’t agad umibig dito si Juan. At dahil sa
panunuyo ni Juan kay Helena, gabi na ito nang makauwi.
“O anak, ginabi ka yata ng uwi ngayon. Hindi mo na tuloy ako nasamahang mag-
orasyon,” ang wika ni Aling Rosa sa anak.
Pasensiya na po, Inay! Nahirapan ho kasi akong maghanap ng mga prutas sa
gubat,” ang pagsisinungaling ni Juan.
Dumalas ang pagtatagpo ni Juan at Helena sa gubat. Nahulog ng husto ang
damdamin ni Juan sa dalaga. Hangang minsan, nabigla si Juan sa sinabi ni Helena.
“Hanggang ngayon ay hindi ko pa nararamdaman na tunay ang pag-ibig mo sa
akin, kaya nagpasya ako na ito na ang huli nating pagkikita.”
“Ngunit, bakit? Sabihin mo, paano ko mapapatunayan sa iyo na tunay ang aking
pag-ibig. Sabihin mo at kahit ano ay gagawin ko,” ang pagsusumamo ni Juan.
“Maniniwala lamang ako sa pag-ibig mo, kung dadalhin mo sa akin ang puso ng
iyong ina na nasa iyong mga palad!” ang matigas na wika ni Helena.
Hindi makapaniwala si Juan sa narinig. Malungkot itong umuwi dahil binigyan
siya ng taning ni Helena. Kailangan niyang madala ang puso ni Aling Rosa bago
maghatinggabi
Nang dumating si Juan sa kanilang bahay ay agad siyang niyaya ni Aling Rosa na
mag-orasyon. Nagtungo ang mag-ina sa harap ng kanilang bahay. Ngunit habang
nagdarasal iba ang nasa isip ni Juan. Naiisip niya ang pag-iibigan nila ni Helena. At bigla,
hinugot ni Juan ang kanyang itak at inundayan si Aling Rosa sa likod. Bumagsak sa lupa
ang ina ni Juan, at kahit nanghihina na ay nagsalita ito.
“Anak, bakit? Ngunit anupaman ang iyong dahilan ay napatawad na kita. Ngunit
humingi ka ng tawad sa Diyos! Napakalaking kasalanan ang nagawa mo sa iyong
sariling ina,” ang umiiyak na wika ni Aling Rosa.
“Diyos ko po, Inay! Patawarin n’yo ako!” ang nagsisising nawika ni Juan na
nagbalik sa katinuan ang isip. Umiyak nang husto si Juan lalo na nang pumanaw ang
kanyang ina.
Kasabay niyon ay bigla na lamang nagbago ang anyo ni Juan. Siya ay naging
isang maliit na hayop na may buntot. Si Juan ay naging isang butiki; ang kauna-unahang
butiki sa daigdig.
Mula sa malayo, natanaw ni Juan si Helena na papalapit. Nasindak si Juan nang
makita niyang si Helena ay naging isang napakapangit-pangit na engkanto. Humalakhak
itong lumapit.
Sa takot, dagling gumapang si Juan papanhik ng bahay hanggang makarating sa
kisame.
Nakita rin ni Juan ang engkanto, sa labis na katuwaan ay naging iba’t ibang uri ng
kulisap at insekto, at naglaro sa paligid.
Agad na pinagkakain ng butiking si Juan ang mga kulisap na napagawi sa kanya.
At dahil doon ay hindi na nakabalik sa dating anyo ang engkanto, at nagtago na lamang
ito sa mga halamanan bilang kulisap.
Nagsisi ng husto si Juan ngunit huli na. At bilang pag-alala sa kanyang ina,
sinasabing si Juan at ang sumunod pa niyang lahi ay patuloy na bumababa sa lupa bago
dumilim upang mag-orasyon.
At hanggang sa ngayon nga ay patuloy pa ring pinupuksa ng mga butiki ang
mga kulisap na sa paniniwala nila ay mga engkanto.

Das könnte Ihnen auch gefallen